Ipinagdiwang ng Dr. Emilio B. Espinosa, Sr. Memorial State College of Agriculture and Technology (DEBESMSCAT) ang Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto 29, 2025, na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.”
Pinangunahan ni Dr. Elreen A. Delavin, Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Pang-akademiko, ang pagbubukas ng programa sa pamamagitan ng kanyang mensahe na nagbigay-diin sa kahalagahan ng sariling wika bilang pundasyon ng pagkakaisa at pambansang identidad.
Naghatid din ng pampasiglang mensahe si Dr. Raiza M. Padasas, Dekana ng Kolehiyo ng Edukasyon, sa ngalan ng Pangulo ng DEBESMSCAT Dr. Arnel B. Millesca, upang hikayatin ang mga mag-aaral na ipagmalaki at pangalagaan ang wikang Filipino at mga katutubong wika.
Bilang panauhing pandangal, itinampok ang guro mula sa Bayan ng Aroroy na si Ginoong Darwin Bajar, na nagbahagi ng kanyang kaalaman at pananaw hinggil sa pagpapayaman ng wika sa larangan ng edukasyon at lipunan.
Sa ikalawang bahagi ng programa, kabilang sa mga aktibidad ang iba’t ibang paligsahan at tagisan ng talino, gaya ng pagsulat ng tula, sanaysay, debate, at poster-making, gayundin ang tradisyunal na mga larong Pilipino tulad ng tumbang preso, luksong tinik, patintero, at iba pa.
Sa ikatlong bahagi ng programa, itinanghal naman ang mga patimpalak sa larangan ng sining tulad ng monologo, balagtasan, kundiman, spoken word poetry, vocal duet, katutubong sayaw, at sabayang pagbigkas.
Pinarangalan ang mga nagwagi sa iba’t ibang kategorya sa pamamagitan ng mga tropeo, sertipiko, at gantimpalang salapi.
Sa kanyang mensaheng pampinid, binigyang-pugay ng Pangulo ng Supreme Student Council na si Bb. Zaira Joy Maglente ang lahat ng lumahok at nakiisa sa pagdiriwang.
Ang kabuuang programa ay matagumpay na isinagawa sa pamamahala ng Kolehiyo ng Edukasyon, katuwang ang Supreme Student Council (SSC).





Ladies and gentlemen,